when i was small and christmas trees were tall… ang simple-simple ng buhay
masaya na ako pag may baon akong piso pagpasok sa school. 50 sentimos yong tinapay na may palamang peanut butter na tinda ni aling lily sa labas ng school namin. tapos yong 50 sentimos para sa sarsi. o kaya naman banana que at samalamig. solb na solb na ang recess ko.
masaya na ako pag may bago akong pad paper. yong buo ha, hindi yong binibili sa tindahan na limang piraso singko. inaamoy-amoy ko pa yon. ang bango-bango ng amoy ng papel. pati ng crayola. yong bago at kumpletong set. hindi yong putol-putol at kulang-kulang na karaniwan kong ginagamit, tira-tira from last year.
masaya na ako pag may bago akong damit. bago para sa akin pero sa totoo lang, hand-me-down lang ng mga pinsan ko. o kaya binili ng nanay ko sa mga relief. yon ang lolo't lola ng mga ukay-ukay ngayon. mga damit na pinag-lumaan o pinag-sawaan ng kung sino. baka nga mga patay na. ni hindi ko nga alam kung may putok o buni pa yong nag-suot.
masaya na ako pag ang ulam namin ilang piraso ng karneng baboy. parang pasko o piyesta yon. araw-araw kasi isda o gulay ang ulam namin. minsan pa, pag naubusan ng budget ang nanay ko at walang raket ang tatay ko, bagoong ang pampa-lasa ng kanin. luxury na rin pag may gatas condensada kami at yon ang ibubuhos ko kahit sa kaning lamig. sarap na non.
at noon, masaya na ako pag nakapanood ako sine sa bayan namin. kahit maraming surot, mainit at mapanghe yong venus. double program naman. wala pang censors kaya kahit bold ang palabas okey lang. pero buti nga maluwag sila don. biro mo bata pa lang ako mga out of africa na at a passage to india ang pinapanood ko. pati yong ten commandments at el cid ni charlton heston.
then lumakad ang panahon kahit wala namang paa. nagbilang ako ng nagbilang ng mga birthday na karamihan walang handa. wala lang, ordinary day lang. at ang bilang, parang metro ng taxi kung bumagsak. buti sana kung nare-reset yong number pag na-flag down. kaso hindi. dire-diretso. hanggang mamalayan ko, kailangan ko na ng pantalon. hindi na pwedeng shorts lang pagpasok sa school. at ilang panahon pa, hindi na school ang pinapasukan ko, trabaho na. hindi na grades at classcard ang pinipilahan ko, payslip na.
tuloy-tuloy pa rin ang bagsak ng mga taon sa metro ng buhay ko. hanggang hindi na basta jeep o taxi ang sinasakyan ko para pumunta ng trabaho. nag-eroplano pa. at kung dati, puro usok at alikabok ng maynila ang sinasagap ng sensitive kong baga, ngayon, sandstorm na ng saudi.
now we are tall... and christmas trees are small...
actually, hindi lumiit ang mga christmas trees. lumalaki pa nga lalo. dahil pag bumibili ako sa shoemart, hindi na pwede yong maliit lang. kailangan malaki at bongga ang christmas tree namin. nakakahiya, parang hindi abroad kung maliit lang.
at dahil don, hindi na pwedeng piso lang ang laman ng bulsa ko ngayon. pag isang libo na lang ang nasa wallet ko, hindi na ako mapakali. parang feeling ko mamamatay na kami sa gutom ng nanay ko at lahat ng mga alipores ko sa bahay. tatakbo ako agad sa bangko tapos sa forex para magpalit ng dollar.
ngayon kasi, akin na lahat ang responsibilities. pambili ng pagkain, pambayad ng tubig, ilaw at cable. pati pang-sweldo ng mga katulong. eh hindi pa naman pwedeng isa lang ang katulong ng nanay kong bukod sa makulit eh mahirap pang ispelingen. matanda na kasi. kaya suportado na rin ng gamot at vitamins na konti din naman ang binibigay na discount ng watsons o kaya mercury. buti nga yong steel walker at wheelchair nya hindi na kailangang palitan.
ngayon, hindi lang damit ang binibili ko para masaya ako. pati iba-ibang brands ng perfumes. ck, givenchy, ralph lauren, dolce & gabbana. yan na ngayon ang mga inaamoy-amoy ko. kaya nagka-allergic rhinitis ako. isama mo pa yong usok ng marlboro lights na ii-inhale tapos ilalabas din naman.
ngayon, hindi na isang buong set ng crayola ang gusto kong bilhin. syempre, iba-ibang electronic gadgets na. kahit hindi naman ganong kailangan. para lang ma-compensate yong pakiramdam na denied ako noong bata pa ako. na hindi maganda. pera ko rin ang nawawaldas. napupunta sa wala. so hintuan ko na lang. di na nga ako bumili ng psp tutal hindi naman ako marunong gumamit. at di ko ma-appreciate ang mga laro. hanggang tetris lang yata ako at scrabble.
ise-save ko na lang yong pera ko sa rcbc account ko. para sa mga emergency na araw-araw na yatang nangyayari. kasi ang mga pamangkin ko, kamag-anak at kung sino-sino pa, ang dami laging request. pang-tuition ni ganito. pampa-gamot ni ganyan. pampa-kasal ni ganito. pampa-binyag ni ganyan. lecheng buhay to. akala yata tumatabo ako ng pera dito.
ngayon, nagtitiis na nga lang ako sa free channels ng hotbird at arab sat. hindi na ako nagpakabit ng tfc o gma. tutal nakaka-inis lang ang karamihang palabas nila. mga soap na hindi mo mawawaan, gagawin ka pang ma-drama. sa al-jazeera documentaries na lang ako, tutal mas ma-drama sila. at sa american idol na delayed man ng ilang weeks, orig naman. di tulad ni jolina at ogie na sobrang nice. ang sasarap batukan.
now we are tall and christmas trees are small.... you used to laugh while others used to play.
buti na nga lang matibay-tibay ako. i still find time, and even the smallest of reason, para ma-enjoy ko ang buhay ko. makatawa kahit papano. kahit mga walang kawawaang bagay na corny or irrelevant kung tutuusin. pero at least nakakatawa ako. kung hindi, bata pa ako pero tatawagin nyo na akong grumpy old man. ayoko kaya yon.
humahalakhak pa rin ako pag napapanood ko yong mga eksena ni whoopi sa ghost. masaya na ako don. o ngayon, kala mo ba, malalim yong sinulat ko?
No comments:
Post a Comment