Friday, October 26, 2007

hanggang kelan, hanggang saan?

para bang soap opera ang title? actually yan ang nararamdaman ko, out of frustration, sa mga nangyayari sa bansa natin. hanggang kelan tayo maghihirap, hanggang saan ang pagdurusa nating mga pinoy. parang walang katapusan, parang lalong lumalala ang sitwasyon.

hindi ako pala-sisi na tao. pero pag ganito, meron na talagang problema ang mga leaders natin. hindi na siguro maitatago ang katotohanan na dapat serbisyo publiko ang ginagawa nila pero mga sariling bulsa ang inuuna. puro self-interest. kaya araw-araw, sa dyaryo man o tv, batuhan ng batuhan ng putik eh pare-pareho lang naman ng interes. puro accusations, puro finter-pointing. kumotong si ganito, nag-bulsa si ganiyan, nangurakot si ano, pumitik si ano....

tumawag ng People's Power 2 noon (na nakiloko pa ako at hinakot ko pa ang mga kaibigan ko) para patalsikin si Erap sa Malacanang dahil daw sa pangungurakot, katakot-takot na moro-moro ang ginawa, yon pala bibigyan din lang ng executive clemency. bakit? para cover-up ng kung ano-anong baho na sumisingaw na, hindi na-contain tulad ng septic tank sa glorietta? ang mga hinayupak hindi na nahiya kay juan dela cruz.

sabagay paano ko nga palang i-eexpect na mahiya sila kay juan dela cruz eh kokonti, kung hindi man totally wala, silang mapapala sa masang pilipino. napapakinabangan lang nila pag eleksyon dahil pampa-dami ng boto. pero after election at nanalo na sila, wala na silang pakialam. afterall, ano bang magagawa ng mga taong grasa, mga naka-tira sa ilalim ng LRT, mga gusgusin at walang makain? liability ang tingin sa kanila ng gobyerno. walang pakinabang.

at sa halip na tulungan tulad ng ginagawa sa ibang bansa, pinababayaan na lang manigas at mamatay sa gutom at sakit. bakit? dahil walang government institutions na umaasiste para sa libreng housing, meal coupons at medical assistance. wala kasing pondo. may pera naman pero kulang pa para sa budget ng gobyerno. maniniwala ka ba naman?

wag na yong destitutes ang pag-usapan natin. mas malalang problema yon eh. yon na lang mga may kayod na tulad naming ofw. eh kami ngang mga ofw na malaki ang pakinabang, hindi lang nila kungdi ng bansang pilipinas, hindi na nahiya sa amin ang mga hindurupot na yan. kami ang gatasan nila ng bilyon-bilyong dolyares na pumipigil para bumagsak ang ekonomiya ng bansa. and yet, ang kapal ng mukha nilang dedmahin ang request namin para sa kaunting tulong ngayong bumabagsak ang palitan ng peso sa dolyar.

na sila din ang may kagagawan para ipagmalaking maganda ang ekonomiya ng pilipinas? paanong maganda eh ang mahal pa rin ng mga primary commodities? halos hindi pa rin kayanin ng ordinaryong pilipino na kumain ng tama sa araw-araw dahil ang mahal ng bigas, asukal, gatas, gulay, karne, isda, atbp. kaya tiis na lang sa instant noodles na kahit unhealthy eh medyo mura. tapos sasabihin nyong maganda ang ekonomiya? hindi tanga ang mga pinoy kahit wala kaming masters degree sa economics noh!

masakit pa nito, wala na ngang ginagawa sa sinisigaw naming tulong, babalikan pa nila ang pamilya namin at sesermonan na magastos at magarbo ang mga kamag-anak namin! kapal nyo! ayan namura tuloy kayo ng isang misis sa open letter nya.

kaya sabi ko, hanggang kelan, hanggang saan? pinatalsik si marcos non dahil corrupt daw. pinalit si cory. na dapat ay magiging umpisa ng pagtino ng leadership at magkaroon ng pag-asa ang pilipinas na maka-sabay sa ibang asean countries na umaarangkada na ang mga ekonomiya. pero yon nga, wala ring nangyari. pinalitan ni erap na napatalsik din. pinalitan na naman ng isang babae, again with the hope na mas matino ang magiging leadership. and yet, ganon pa rin ang istorya. heto tayo at nakabaon na, at mukhang walang pag-asang maka-ahon sa kahirapan anytime soon.

habang ang vietnam na dati ay mas mahirap pa sa atin, siya na ngayong puntahan ng mga gustong kumita ng malaki. dahil mas maayos ang economy kumpara sa atin. dahil mas maayos ang leadership.

kaya sa mga naka-upo - mahiya naman kayo. at sana ma-konsensiya kayo sa mga pinag-gagagawa ninyo. sa dami ng namamatay sa gutom at hindi nagagamot na sakit, sa dami ng mga taong naghihirap sa araw-araw at natutulog ng humahapdi ang sikmura, baka maipon ang sumpa nila, maging isang malaking karma at tamaan kayong lahat! kayo rin.

No comments:

Post a Comment